[it’s where you could find me when you couldn’t find me anywhere else]

palusot lang :D

Mary Angelica D. Bonifacio

2008-52421

Ψ 108

‘PAG MAY GUSOT, MAY PALUSOT[1]

Sitwasyon:

Sinabi ng tatay mo na hanggang 7pm lang ang curfew mo para gumala sa mall. Nasarapan ka sa paglalakwatsa kaya inabot ka ng 10pm. Dumating ka sa bahay at naabutan mo ang tatay mong nakapamewang sa may pintuan. Mahaba-habang sermon na naman ang aabutin mo. Ano’ng gagawin mo?

Palusot no. 1:

Talaga nga naman oh! Kung tinuruan n’yo sana akong magbasa ng orasan, hindi sana ako nagkakaganito. *irap* Anong oras na nga ngayon Tatay?

Palusot no. 2:

Tatay sorry! Dapat talaga on-time akong makakauwi eh. Kaya lang ang haba ng pila sa jeep. Tapos, na-flat pa yung gulong nung nasa daan na kami. Tapos nung pinapalitan ni Manong Driver yung gulong, bigla kaming hinoldap ng tatlong lalaki. Buti nalang may nagpapatrol na pulis kaya nagkaroon pa ng aksyon! Kaya ayun, naghintay pa ako ng isa pang jeep. Kaso lang puno na lahat ng dumadaan kaya natagalan ako. Buti nga ganitong oras lang inabot ko. Kundi, mas matinding kamalasan pa dadanasin ko. *pailing-iling pa kunyari*

Palusot no. 3:

Bakit ngayon lang ako? Di ko ba alam na late na? Wala pala akong isang salita eh! Wala akong kwentang kausap. Tsk tsk tsk. Dapat alam kong delikadong umuwi ng gabi. Maraming halang na kaluluwang gumagala-gala pag ganitong oras. Sige na Tatay, pagalitan mo na ako. At wag mo na akong hahayaang gumala. Ayos lang. Kasalanan ko naman eh. *mangiyak-ngiyak na*

Teka lang, kung sasabihin ko lahat ng maaaring palusot sa ganitong sitwasyon, walang katapusan ang pwedeng maisagot. Kahit anong palusot ay pwede, witty or funny or stupid. Itong tatlo lang ang napili ko dahil nilalaman nito ang mga bagay na kadalasang bahagi ng mga palusot. Una, isisi sa ibang tao ang nangyaring gusot. Pangalawa ay isisi sa mga bagay na hindi natin kayang kontrolin. Ika nga ay uncontrollable circumstances. Ang huli ay unahan na ang iba, umamin nalang, at isisi na sa sarili ang gusot.

Ngunit ano nga ba ang palusot? Nagtanung-tanong ako kung ano ang ingles ng palusot. Ang sabi ng karamihan ay alibi daw ito. Alibi din ang translasyon ng palusot.com sa salitang ito. Ngunit para sa akin, hindi sila magkasingkahulugan. Sa ingles kasi, ang alibi ay mas madalas gamitin sa legal nitong kahulugan, na ang isang taong naakusahan ay wala sa lugar ng krimen nang ito ay maganap. Ang mas malapit na kahulugan ng palusot sa ingles ay excuse. Ang tagalog ng excuse ay dahilan na kasingkahulugan ng palusot. Maaari nating sabihing ang isang nagpapalusot ay nagdadahilan lang.

Madalas akong magpalusot. Isang uri ito ng pagsisinungaling. Pero para hindi ako magmukhang masyadong makasalanan, palusot nalang ang salitang ginagamit ko imbis na kasinungalingan. Parang mas matindi kasi ang parusa kapag nagsinungaling. Pero kapag nagpalusot lang, parang wala lang. Lusot na ako. Kapag gumagala ako at naglalakwatsa, nagpapalusot ako pagdating ko sa bahay. Hindi parin kasi ako pinapayagan ng tatay ko na magbulakbol nang walang matinong dahilan. Kaya ang mga palusot ko, puro academic-based. Gumawa ng group project. Nagpatulong mag-edit ng pictures para sa posters. Pumunta sa museums para makagawa ng report. May pinanood na film kunyari. At madami pang iba. Ang teknik lang, hindi dapat maulit yung mga palusot. Kapag naubos ko kaagad yung extra allowance ko, siyempre nag-iimbento ako ng mga dahilan, acad-based ulit. Nung hayskul ako, puro palusot lang ang mga nakalagay sa excuse letters ko. Kunyaring masakit ang ulo. Masakit ang ngipin. Lahat na ng pwedeng sumakit sa akin, sumakit na sa mga excuse letters ko.

Sa totoo lang, walang katapusan ang mga palusot na maaari kong gawin. Sa kahit anong sitwasyon, nakakadyahe man o nakakapagpainit ng ulo ng mga kasama ko, papatok parin ang mga palusot ko. Minsan nga ay iniisip ko kung naniniwala pa ba sila sa mga dahilan ko. Minsan naman, kahit totoong dahilan na yung sinasabi ko, inaakala parin nilang palusot lang yun.

Tulad nalang nung minsang magkatext kami ng boyfriend ko. Medyo seryoso ang usapan naming at bihira lang mangyari ang ganito. Nasarapan ako sa katetext at hindi ko namalayang tapos na pala ang unlimited text subscription ko. Naubos ang load ko at hindi na ako pwedeng lumabas ng dorm para magpaload, kaya hindi na ako nakapagreply. Nagalit si boyfriend. Sinabi ko naman yung totoong dahilan pero hindi s’ya naniwala. Akala n’ya palusot ko lang yun para makaiwas sa seryosong usapan.

Hindi ko rin alam kung naniwala yung propesor ko sa Math nung sinubukan kong lusutan ang pagtetext sa klase. Nakakabagot kasi ang tinuturo n’ya nun, tulad ng lahat ng mga inaaral sa Math. Kaya nagtext nalang ako habang may pinapasagutan s’yang problem. Sayang din kasi ang unli. Tinabihan ako ng prof ko at sinabing, “Ano yan ha?” Nakangiti naman s’ya kaya hindi mukhang galit. Sabi ko lang, “Sir, ginagamit ko po yung calculator ng phone ko. Ayus lang po ba?” *pa-inosente* At nandoon lang ang prof ko sa tabi ko, hindi malaman kung magagalit ba o matatawa. Ako naman, diretso lang sa pagtetext, pinanghawakan ang palusot.

Hindi talaga naniwala ang mga groupmates ko sa dahilan ko kung bakit ako late nung minsang nag­-meeting kami. Sabi ko kasi, hindi ko magising yung tatay ko para makahingi ng baon. Sarado kasi yung pintuan ng kwarto nila at wala akong susi kaya hindi ako makapasok. Ayun. Naisip ko tuloy, kung nag-imbento siguro ako ng palusot, mas maniniwala sila sa akin.

Siguro, dahil nasanay na tayong mga Pilipino sa sari-saring palusot. Kahit ang mga totoong dahilan ay nagiging palusot na lamang. At ang mga palusot ay nagmimistulang mga biro na lang. Tulad ng isang estasyon sa radio na may palusot segments powered by palusot.com. Hindi naman talaga mga epektibong palusot ang mga sinasabi nila doon. Mas mapapasama ka pa nga kapag ginaya mo yung mga palusot nila. Nagpapatawa lang talaga sila. Isang bahagi na kasi ng Pinoy pastime ang magpagandahan ng palusot. Mas nakakatanga at nakakatawa, mas masaya. Kaya naman kapag nakatambay ako kasama ang aking mga barkada, at wala na kaming magawa, palusot moments na ang trip namin.

Sisimulan namin sa mga makatotohanan na bagay. “Paano kung nahuli ka ng terror prof mo na natutulog habang nagdidiscuss s’ya? Ano’ng gagawin mo?” “Eh paano naman kung nakalimutan mo yung birthday ng bespren mo at nagtampo s’ya sa ‘yo?” Tapos mapupunta sa mga nakakatawang insidente. “Paano kung mautot ka habang kausap mo yung crush mo?” “Kung nagba-bike ka at bigla kang nagsemplang sa daan at maraming tao ang nakakita, ano’ng gagawin mo?” Syempre, hindi mawawala ang mga caught-in-the-act scenes. “Paano kung nahuli ka ng nanay mo na nanonood ng porn?” “Ano’ng gagawin mo kapag nagkita kayo ng boyfriend mo sa mall tapos may ka-holding hands kang lalaking mas gwapo sa kanya?” “Eh paano kung tatay mo ang nakahuli sa ‘yong may ka-holding hands kang lalaki?” Hanggang sa mapunta na sa mga sitwasyong kakaiba at mahirap lusutan. “Bigla kang hinoldap. Ano’ng palusot mo sa holdaper para maawa sa ‘yo o tigilan ka n’ya?” “May nakasalubong kang babae at akala mo ‘sya yung elementary bespren mo. Tinawag mo at kinamusta. Pero hindi pala s’ya talaga yun at kahawig lang n’ya. Ano’ng palusot mo?” “Nagpretend kang may kausap sa phone tapos bigla itong nag-ring. Nagtinginan yung mga katabi mo. Ano’ng gagawin mo?” At marami pang iba. Hindi namin mapapansin na gabi na pala at kailangan na naming magluto at magsaing sa bahay. Muli pa, nagsabihan kami ng mga palusot para hindi mapagalitan ng mga magulang.

Ano nga ba talaga ang silbi ng mga palusot? Una siguro ay para hindi mapagalitan o mabawasan man lang ang galit. Pangalawa, para hindi masyadong mapahiya sa isang bagay na nakakadyahe talaga. Pangatlo, para hindi masisi o kung masisi man ay mapatawad kagad. Pang-apat at ikahuli, para mabawasan ang tensyon ng isang sitwasyon, para magpatawa, at ipaisip sa kanila na simple lang talaga ang problema.

Iyan ang mga dahilan kung bakit ako nagpapalusot. Siguro, ganyan din ang mga dahilan ng maraming Pilipinong nahuhumaling sa pagpapalusot. Kadalasan, kahit mas madaling sabihin nalang ang katotohanan, nagiging malikhain parin ang mga utak natin sa pag-iisip ng iba’t ibang dahilan. Ganyan ang Pinoy eh! Kahit ano, kayang lusutan.



[1] Quoted from palusot.com

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s