[it’s where you could find me when you couldn’t find me anywhere else]

Monster Float

Nagsimula ang lahat sa isang monster float. Ay, dalawa pala…

Nasa SM North ako noon, gumagalang mag-isa dahil abala ang mga kaibigan ko sa paggawa ng schoolworks. Abala din naman ako noon kung tutuusin, pero dahil isa akong dakilang procrastinator, nagpalamig muna ako sa mall. Gusto kong takasan ang malupit na kapaligiran sa loob ng campus.

McDo, June 2010, 6pm. Dahil uwian at dinner time pa, maraming kumakain sa paborito kong fastfood. Wala akong maupuan kaya nagpasya akong mag-take out na lang ng monster float. Paalis na dapat ako noon nang may tumawag sa akin. Nang lumingon ako, nakita ko s’ya sa isang table, mag-isa. Ngumiti ako. Kinawayan ko s’ya at nagsimula na akong lumakad palayo dahil nahihiya akong lapitan s’ya. Pero tinawag n’ya ako ulit kaya napilitan akong samahan s’ya.

Monster float. Yun lang din ang inorder n’ya.

Cheesy man kapag naiisip ko ngayon ang bagay na ito, pero noong mga sandaling iyon, nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Noong nakatingin ako sa kanya, puro panteledrama ang mga linyang sumagi sa aking isip. Malungkot s’ya, at kahit paano n’ya itago sa akin ang katotohanang ito, naramdaman ko pa rin. Siguro dahil noong mga panahong iyon, pareho kami ng kalagayan.

At kahit paano man namin ipagpilitan, hindi mapapawi ng isang monster float ang aming pagkalumbay.

Hindi na namin namalayan ang oras. Sa dami ng aming napagkwentuhan, nakita na lang namin na 9.30pm na at malapit nang magsara ang buong mall. Hindi ko alam na masaya pala s’yang kausap. Akala ko dati ay isa lamang s’yang striktong nerd na genius na puro libro lang ang inaatupag. Pero mali ako. Malaya ko s’yang nakakausap tungkol sa maraming bagay. Kung hindi lang sana sumasagi sa aking isipan na hindi kami pantay ng katayuan at dapat ko rin s’yang bigyan ng karampatang paggalang. May isang malaking pader na namamagitan sa amin at hindi namin pwedeng tibagin iyon.

“Pero pwede nating akyatin ang pader na iyon.” sabi nya, maraming buwan ang nakalipas mula noong pagkikita naming iyon sa McDo.

“Pero… diba trespassing yun?” tanong ko.

Hindi s’ya nakasagot. Napaisip na lang ako. May mga taong hindi mo kayang abutin kahit gaano s’ya kalapit sa ‘yo. May mga bagay na hindi mo pwedeng angkinin kahit walang nagmamay-ari nito. Gusto mong sabihin sa iba ang tungkol sa inyong dalawa pero alam mong maraming tututol. Dahil ikaw at s’ya ay hindi magkatugma.

Buti pa yung monster floats namin, laging magkatugma.

Minsan, nagdala ako ng Coke float sa klase. Nang makita n’ya iyon, nag-blush s’ya ng sobra at hindi na nakapag-concentrate buong oras ng klase. Hindi na ako nagdala pa ng float simula noon.

January 2011 na ngayon. Madalas pa rin kaming gumala at magpalipas-oras nang magkasama. Umiinom pa rin kami ng monster float palagi, pero hindi na sa loob ng classroom. Nangingiti na lang ako ng palihim sa tuwing napapadaan ako sa McDo at bumibili ng float.

Pero hanggang ngayon, nakapagitan pa rin sa amin ang malaking pader na hindi namin matibag. At natatakot pa rin kaming akyatin ito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s